Tiniyak ng kampo ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na muli itong kakandidato sa 2022 national elections.
“He will be definitely running for 2022,” sabi ni Atty. Vic Rodriguez sa panayam ng ANC nitong Miyerkules.
Pero hindi sinabi ni Rodriguez kung anong posisyon ang tatakbuhan ni Marcos.
“We will be making an announcement as to his plans for 2022,” sabi pa ng tagapagsalita sa hiwalay na panayam ng CNN-Philippines.
Bukod sa mga lokal na posisyon, boboto rin ang mga tao para sa presidente, bise presidente at mga senador sa darating na May 2022 elections.
Ginawa ni Rodriguez ang pahayag isang araw matapos na ibasura ng Korte Suprema na umuupong Presidential Electoral Tribunal (PET), dahil sa kawalan ng merito ang election protest ni Marcos laban sa pagkapanalo ni Vice President Leni Robredo sa naging laban nila 2016 elections.
Nitong Martes, sinabi ni SC spokesperson Brian Hosaka na "unanimous" ang pagboto ng mga mahistrado na ibasura ang protesta ni Marcos matapos ang halos limang taon na pagdinig.— FRJ, GMA News