Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya papayagan ang National Telecommunications Commission (NTC) na bigyan ng lisensiya na mag-operate ang ABS-CBN kapag nakakuha ang kompanya ng bagong prangkisa sa Kongreso.
Ginawa ni Duterte ang pahayag sa televised briefing nitong Lunes, sa harap ng mga panukalang batas na inihain sa Kongreso na bigyan ng panibagong prangkisa ang nabanggit na network.
Ayon sa pangulo, dapat bayaran muna ng may-ari ng kompanya ang kanilang mga obligasyon sa buwis.
"Congress is planning to restore the franchise. Wala akong problem kung i-restore ninyo but I will not allow them to operate. I will not allow the NTC to grant them the permit to operate," sabi ni Duterte.
"Unless and until mabayaran ng mga Lopez ang taxes nila, I will ignore your franchise and I will not give them the license to operate," patuloy ng pangulo.
Una nang sinabi ng Lopez Holdings Corp., na wala silang outstanding loans sa Development Bank of the Philippines (DBP).
"Lopez Holdings Corp. does not have any unpaid obligations to the Development Bank of the Philippines or other government financial institutions," saad nila sa pahayag noong 2017.
Pero ayon kay Duterte: "I will not name the person, but 'yung mga company nila noon -- Benpres and about six other companies -- may utang sila sa DBP. At ang utang nila, umabot ng... to finance this... pera ng tao, gagamitin nila to finance their business pero kanila 'yung kita."--FRJ, GMA News