Hindi iindorso sa ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang P420-billion stimulus package na iminungkahi ni Speaker Lord Allan Velasco na tatawaging "Bayanihan 3" para tugunan ang epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa pulong balitaan nitong Lunes, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque Jr. na sa ngayon ay sapat na ang P4.5-trillion 2021 national budget at P165-bilyon na Bayanihan to Recover as One (Bayanihan 2) law, para tugunan ang epekto ng pandemya.
“Well, we appreciate the policy initiatives of Speaker Velasco. Pero ang consistent position po natin diyan ay mayroon po tayong sapat na fiscal stimulus ngayon sa ating annual budget at ipinapatupad pa po natin iyong Bayanihan 2,” ayon kay Roque.
“Pero siyempre po, we appreciate the filing of Bayanihan 3 dahil kung kulang po talaga, then we will of course resort to Bayanihan 3. Sa ngayon po, tingnan po muna natin kung anong mangyayari sa pagpapatupad ng 2021 budget at iyong pagpapatupad pa rin ng Bayanihan 2 na extended po hanggang taon na ito,” dagdag ng opisyal.
Una rito, sinabi nina Velasco, may-akda ng panukala, kasama si Marikina Representative Stella Quimbo, na makatutulong ang Bayanihan 3 para palakasin ang ekonomiya matapos na sumadsad sa pinakamababang 9.5% sa pagtatapos ng 2020—ang pinakamababa mula noong 1946.
Bukod sa Bayanihan 2 law at 2021 national budget, pinagtibay din ni Pangulong Duterte ang Bayanihan to Heal as One law o "Bayanihan 1," na nagbigay kapangyarihan sa Punong Ehekutibo na inilipat ang ilang bahagi ng 2020 budget para tugunan ang problema sa COVID-19.--FRJ, GMA News