Isang manggagawa sa ice plant ang nasawi, nasa 76 katao ang dinala sa ospital, at maraming residente ang lumikas matapos tumagas ang ammonia sa isang planta sa Navotas City. Ang alkalde ng lungsod, hindi itinanggi na pag-aari ng pamilya ng kaniyang ina ang planta.

Sa panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni Navotas Mayor Toby Tiangco, na 59 katao ang dinala sa Navotas City Hospital, habang 17 iba pa ang dinala sa Tondo General Hospital sa Manila.

"Six na minors at saka 11 adults ang nasa Tondo General," anang alkalde.

Kinilala naman ang nasawing manggagawa sa planta na si Gilbert Tiangco, 44-anyos.

“Umabot sa 61 po ang mga pasyenteng dinala natin sa ospital at isa sa kanila ang binawian ng buhay," sabi ng alkalde sa Facebook post.

"Mayroon din pong mga residente na dumiretso na sa ospital. Kasalukuyan pa po nating biniberipika ang datos nito,” patuloy ni Tiangco.

Humingi ng paumanhin si Tiangco sa insidente at sinabing pag-aari ng pamilya ng kaniyang ina ang planta na T.P. Marcelo Ice Plant and Cold Storage sa Barangay North Bay Boulevard South.

Nangako rin ang alkalde na bibigyan ng kompensasyon ang mga naapektuhan ng pagtagas.

Dahil sa nangyari, napilitan ang maraming residente sa lumikas at lumayo dahil sa masangsang na amoy.

Mayroon umanong mga alagang hayop, tulad ng aso, ang namatay at bumula ang bibig.

Pagsapit ng gabi, sinabi ni Tiangco na humupa na ang masangsang na amoy batay na rin umano sa pagmonitor ng City Disaster Risk Reduction and Management Office.

“Sa ngayon po ay nasarado na ang valve na nag-leak at hinihintay na lamang nating humupa ang amoy ng ammonia," ayon kay Tiangco.

"Tinatayang aabot ng 2-3 oras bago po humupa ang amoy sa lugar kaya nagpahanda na rin po tayo ng food packs sa ating CSWDO para sa mga apektadong residente,” dagdag niya.

Inaalam pa ang dahilan ng pagtagas ng ammonia.

Ito na ang ikalawang insidente ng ammonia leak sa lungsod, matapos ang nangyari sa isang ice plant sa Lapu-Lapu Avenue ilang linggo na ang nakalilipas. --FRJ, GMA News