Nahuli-cam ang ginawang panghoholdap ng tatlong lalaki sa LBC branch sa Matalino St., Quezon City. Kaagad naman nakaresponde ang mga pulis na nakapagpalitan ng putok sa mga kawatan.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, makikita sa CCTV ang pagtakbuhan ng mga tao sa labas ng LBC nang magkaroon na ng putukan at habulan.

Isang suspek ang napatay at isa ang naaresto, habang nakatakas ang isa pa na nakunan sa CCTV na pasimpleng naglakad palaro sa lugar.

Nabawi ng mga pulis sa naarestong si Leonardo Abando ang nasa P50,000 na bahagi ng nakuha nila sa LBC na mahigit P90,000. Ang ibang pera, dala raw ng nakatakas na salarin.

“Nandoon sa malapit ‘yong mga patrol natin so kaagad na nakaresponde at na-engage itong grupo na ‘to,”ayon kay QC Police District director Police Brigadier General Danilo Macerin.

Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang nakatakas na kawatan.--FRJ, GMA News