Nakunan sa CCTV ang ginawang panloloob ng mga salarin sa isang tindahan ng mga alahas sa Recto, Maynila. Ang kawatan, nakatangay ng aabot sa P1 milyong halaga ng pera at mga alahas.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, ipinakita ang magkakaibang anggulo ng mga CCTV ng panloloob ng mga salarin.
Bandang 7 a.m. nang mag-isang buksan ng biktimang si Teodolo Cay, 73-anyos, ang kaniyang jewelry shop.
Pagkalipas lamang ng ilang minuto, pumasok ang isang lalaki samantalang naiwan naman ang lookout umano niya sa labas.
Tinutukan ng baril ng suspek ang biktima.
Makikita sa CCTV na nakipag-agawan pa ang suspek sa bag ng biktima pero agad din niyang nakuha ang bag na may lamang nasa P600,000 at P500,000 halaga ng mga alahas.
Tumakas ang suspek mula sa katabing F. Torres Street.
Tinangka siyang habulin ng guard ng katabing hotel at ilang tao roon.
Sinubukang harangin ang suspek pero nagpulasan ang mga tao nang bumunot na ito ng baril.
Tuluyan nang nakatakas ang mga salarin at patuloy ang imbestigasyon sa insidente.--Jamil Santos/FRJ, GMA News