Ligtas pa rin ang mga pasahero ng tren ng Metro Rail Transit Line 3 laban sa coronavirus disease 2019, ayon umano sa Department of Transportation.

Sa ulat ni James Agustin sa "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabi umano ng DOTr na walang MRT3 stations personnel ang nahawaan ng sakit.

Batay sa datus mula sa MRT management, ang napabalitang 42 tauhan na nagka-COVID ay hindi nakatalaga sa stations.

Ayon sa DOTr, nananatiling ligtas ang mga pasahero ng MRT.

 

Dagdag ng ulat, isa sa mga nagkasakit na depot personnel ay nasawi nitong linggo, at ang natitirang 41 ay naka-strict quarantine. Ang ilan sa kanila ay may sintomas at ang ilan ay asymptomatic.

Nagpapatupad na rin umano ng enhanced access control sa depot, o limitado ang movement sa loob at ang mga tauhan lamang na nag-negative sa RT PCR test ang pinapayagan. 

Matatandaang noong nakaraang taon ay may mga nahawaan din ng COVID sa maintenance personnel ng MRT.

Samantala, mahigpit naman umano ang pagptutupad ng mga health protocol sa MRT stations at ang mga persommel ay nakasuot ng full PPE. —LBG, GMA News