Isang duktor at ang kaniyang clinic sa Valenzuela ang inirereklamo dahil sa umano'y pamemeke sa resulta ng COVID-19 test. Ang nagrereklamo, isa ring duktor na namamahala sa isang clinic sa Bulacan.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinilala ang duktor na inirereklamo na si Jovith Royales, na manager at chief executive officer ng Best Care and Diagnostic Clinic sa Valenzuela.

Ang nagrereklamo laban kay Royales, si Dra. Alma Radovan-Onia, na medical director ng Joni Villanueva Molecular and Diagnostic  Laboratory sa Bocaue, Bulacan.

Reklamo ni Onia, patuloy umanong ginagamit ni Royales para sa kaniyang Best Care Clinic ang pangalan ng JVMDL sa mga swab test kahit tumigil na ang huli sa pagpapadala sa kanila ng swab sample noong Oktubre.

Dati raw may kasunduan ang dalawang laboratoryo na ipadadala ng Best Care sa JVMDL ang mga makukuha nilang swab sample upang masuri.

Ebidensiya raw laban sa mga reklamong isinampa ni Onia ang mga nakuhang COVID-19 test result mula sa Best Care.

Pinapalabas din umano ng Best Care na reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) testing ang paraan ng pagsusuri sa mga swab sample kahit hindi naman.

Lumitaw na hindi awtorisado ng Department of Health ang Best Care na magsagawa ng COVID-19 test.

Ayon sa tagapagsalita ng JVMDL, mayroon umanong medical technician sa Best Care ang mismong nagsiwalat sa iregularidad na ginagawa sa kanilang klinika.

Pinuntahan ng GMA News ang Best Care para makuha ang panig ni Royales pero sinabing nasa pagpupulong ito. Matapos ang paghihintay ng dalawang oras, sinabi naman na wala ito at wala ring makapagsabi kung papaano makakausap.

Sinulatan naman ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela ang Best Care na magpaliwanag sa loob ng tatlong araw kung bakit hindi sila dapat ipasara o suspindihin sa harap ng mga alegasyon ng iregularidad.--FRJ, GMA News