Naniniwala pa rin ang pamilya ni Christine Dacera na may nangyaring krimen sa pagkamatay ng flight attendant sa kabila ng resulta ng pagsusuri ng Philippine National Police Crime Laboratory na "natural causes" ang pagkamatay ng dalaga.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabi ni Atty. Jose Ledda III, abogado ng pamilya Dacera, na gagawin nila ang lahat para mabigyan ng hustisya si Christine.
“We always base our moves and actions sa documents na hawak namin, but it doesn’t mean that the family counsel will not exhaust possible remedies para ma-seek ‘yong justice na hinahanap ng pamilya,” ayon kay Ledda.
“Ang accusation ng family is that there is a crime,” giit niya.
Tanghali noong Enero 1 nang makita si Christine na hindi humihinga sa bathtub ng isang hotel room sa Makati City matapos mag-check in doon para magdiwang ng Bagong Taon kasama ang mga kaibigan.
Naniniwala ang pamilya Dacera na inabuso at pinagamit ng droga si Christine, bagay na itinanggi ng mga kaibigan ng dalaga.
Sa medico legal report mula sa Crime Laboratory ng PNP na may petsang January 11 na isinumite sa Makati prosecutor nitong Miyerkules, nakasaad na "ruptured aortic aneurysm" o pagputok ng malaking ugat na dulot ng mataas na blood pressure ang ikinamatay ni Christine.
"Manner of death as homicide is ruled out in Dacera's case because the aortic aneurysm is considered a medical condition. Rape and/or drug overdose will not result to the development of aneurysms," ayon sa ulat.
"Even overdose and ruptured aneurysm are two different conditions and cannot be both included as cause of death of patient," dagdag nito.
Posible rin umano na matagal nang may kondisyon si Christine tungkol sa naturang sakit.
"If she did not die that fateful night, she will still die in any scenario that presents an activity that will increase her blood pressure strong enough to tear that aneurysm," ayon pa sa ulat.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Makati prosecutor office upang alamin ang tunay na ikinamatay ni Christine at kung may krimen ba na naganap.
Ipagpapatuloy ang pagdinig sa February 3. -- FRJ, GMA News