Balik-kulungan ang isang lalaki na kalalaya lang matapos siyang mang-agaw ng cellphone at saksakin pa ang kaniyang biktima sa Maynila. Ang depensa ng suspek, wala siyang makitang matinong trabaho kaya niya nagawa ang krimen.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikita sa CCTV sa isang eskinita sa Barangay 417 ang habulan ng biktima at suspek na si Joemarie Labdin nitong Martes ng hatinggabi.
Hindi na inabutan ng biktima ang suspek at saka niya nadiskubre na nasaksak siya ng suspek sa tagiliran.
Sa follow-up operation ng pulisya, nahuli si Labdin sa kalapit na barangay, at nabawi sa kaniya ang ninakaw na cellphone.
Positibo siyang kinilala ng biktima na nagpapagaling pa rin sa ospital.
"Dalawa sa tagiliran at isa sa kaliwang dibdib. Mabuti nga at hindi siya napuruhan, ayon sa doktor," sabi ni Police Major Val Valencia, Lacson PCP Commander ng Sampaloc Police.
Napag-alaman na kalalaya lang ng suspek matapos makulong dahil sa pagnanakaw ng bisikleta. Dati na rin siyang nakulong dahil sa droga.
"Wala po kasi akong matinong trabaho sir, wala pong nagtitiwala sa akin kaya po ako gumagawa ng gano'ng bagay," sabi ni Labdin.
Nahaharap ang suspek sa kasong pagnanakaw at pananaksak.--Jamil Santos/FRJ, GMA News