Patay ang dalawang lalaki, kabilang ang isang dating pulis na kalalaya lamang sa kulungan, matapos silang pagbabarilin sa loob ng pampasaherong jeep sa Quiapo, Maynila.
Sa ulat ng pulis, sinabing sumakay ng jeep sina Reynaldo Nuque at Felizardo Pablico sa may Quezon Boulevard sa Sta. Cruz nang dumating ang apat na lalaki na mga naka-itim na jacket, helmet at facemask sa gilid ng jeep at pinagbabaril ang mga biktima.
Matapos ang pamamaril, tumungo ang mga suspek sa direksyon ng Recto.
Sa ulat ni Isa Avendaño-Umali ng Super Radyo dzBB sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing dead on the spot si Nuque, na isang dating pulis, at si Pablico.
Nakaupo ang isa samantalang nakadapa naman ang isa nang makita sila sa loob ng sasakyan.
Base sa inisyal na salaysay ng mga saksi, sinabi ni Roland Gacula, Chairman ng Brgy. 310, na kalalaya lamang ng mga biktima mula sa Manila Police District Station 3 dakong 10 a.m. nitong Huwebes nang mangyari ang pamamaril.
PANOORIN: (Sensitibong video) Kuha ng CCTV ang nangyaring pamamaril sa dalawang lalaki sa Quiapo, Maynila. @dzbb pic.twitter.com/UpdgANAnvf
— Isa Avendaño-Umali (@Isa_Umali) January 14, 2021
Robbery-holdup ang kaso ng mga biktima, pero sinabi ni MPD spokesperson Carlo Manuel, na dinakip ang dalawa noon pang Nobyembre dahil sa illegal possession of firearms.
Hawak na ng mga pulis ang jeepney driver na tatayo raw bilang testigo sa krimen.
Sinabi ng driver na may sumakay na nasa apat na tao kasama ang dalawang biktima nang bigla siyang makarinig na mga putok kaya agad siyang umiwas at dumapa para hindi matamaan ng bala ng baril. —LBG, GMA News