Binawi ng isa sa mga "respondent" sa pagkamatay ni Christine Dacera ang nauna nitong pahayag na isa sa mga bisita sa New Year's Eve party nila ni Christine Dacera sa isang hotel sa Makati ang may dalang "powder drugs."
Sa naunang ulat, sinabing nakasaad sa sinumpaang salaysay ni JP Dela Serna, isa sa mga respondent, na nakita niyang naglabas umano ng "powder drugs" si Mark Anthony Rosales, isa pang respondent, at hinikayat siyang gumamit pero tumanggi siya.
Pero ayon kay Atty. Abby Portugal, isa sa mga abogado ni Dela Serna at apat na iba pang respondent, sa mga pulis umano ng Makati nanggaling ang usapin ng naturang powder drugs.
"The powder issue insinuating drug use actually came from the mouth of the PNP Makati," sabi ni Portugal sa mga mamamahayag sa Makati.
"It was added by them after subjecting the two detained to mental torture and misrepresentations that they will be released from detention and that no charges will be filed against them," dagdag ng abogado.
Sina Dela Serna, Rommel Galido, at John Paul Halili ay ilang araw na idinetine sa Makati police station pero iniutos ng piskalya na palayain habang nagsasagawa ng preliminary investigation sa tunay na dahilan ng pagkamatay at nangyari kay Dacera.
Ayon kay Portugal, naninindigan ang kaniyang mga kliyente na walang droga sa naturang kasiyahan at negatibo sa drug test ang mga ito.
"They did not see any drugs. As per Rommel Galido, he was just told by Christine that she thinks that drug (illegal) was mixed in her drink... so purely hearsay," sabi ni Portugal.
Una rito, inihayag ni Galido na sinabi sa kaniya ni Dacera na tila may inihalo si "Mark" sa kaniyang inumin at nag-iba ang kaniyang pakiramdam.
Ayon kay Portugal, hindi alam ni Galido kung talagang totoo ang hinala ni Dacera.
Sinabi pa ng abogado, na ang mga pahayag ng limang respondent sa media ang tunay at walang pagtuturo mula sa mga abogado.
Tanghali noong Enero 1 nang makita si Dacera na hindi na humihinga sa bathtub ng isa sa dalawang kuwarto na inupahan nila sa isang hotel sa Makati.
Bukod sa pulisya, nagsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang National Bureau of Investigation.
Kanina, sinimulan na ng piskalya sa Makati ang preliminary investigation at ipagpapatuloy sa Enero 27. --Nicole-Anne C. Lagrimas/FRJ, GMA News