Kulungan ang bagsak ng tatlong kabilang sa listahan ng most wanted persons sa isinagawang magkakahiwalay na operasyon ng mga awtoridad sa Maynila.
Ayon sa ulat ni GMA News reporter Jonathan Andal sa "Unang Balita" nitong Miyerkules, nadakip ang pang-apat sa most wanted ng Sampaloc Police Station na si Jay-R Saldivar na may kasong frustrated murder.
Kabilang umano si Saldivar sa mga nanaksak sa isang lalaki sa Maynila noong Oktubre ng nakaraang taon.
Tumagal ng limang minuto ang paghahabol ng pulisya kay Saldivar sa Sampaloc.
Sa kuha ng CCTV, makikitang napatakbo rin ang mga residente nang makita nila na armado ang mga nakasibilyang pulis na humahabol sa suspek.
Iika-ika na si Saldivar nang mahuli dahil nagkasugat-sugat ang kaniyang mga paa.
"Actually dahil sa mga bubungan siya dumaan at nasabit siya sa mga yero sa pag-aakala niya na matatakasan niya 'yung mga operatiba natin," sabi ni Police Lieutenant Colonel Gene Licud, hepe ng Sampaloc Police Station.
"Nadamay lang po ako. Kaya po ako nadamay doon kasi kami ang kilala no'ng tao, kami ang binanggit na pangalan," depensa ni Saldivar.
Samantala, nakorner naman sa isang bus si Leonardo Galiendes na wanted sa kasong pagpatay.
Hindi siya nagbigay ng panayam sa media.
"Accordingly itong family ng victim ay ginagawan daw siya ng mga kuwento at madalas nabu-bully siya. Binaril niya sa sentido," pahayag ni Licud.
Sa Malate naman nadakip ang Top 9 most wanted na si Sandra Gurabel Suralta, isang buntis.
Sinampahan si Suralta ng eight counts of qualified theft ng dati niyang pinagtatrabahuhang recruitment agency.
Nagtatrabaho siya bilang household worker department head noon sa agency pero kahit hindi awtorisado ng kumpanya ay nagre-recruit din umano ang suspek gamit ang pangalan ng isang agent.
"Nagpasok din siya ng sarili niya na mga gustong magtrabaho bilang domestic helper. Kapag siya ang nagpasok, kokomisyunan niya ang agent ng P2,000 sa kaniyang P8,000," ayon kay Police Lieutenant Colonel Cristito Acohon, hepe ng Malate Police.
Tumangging magbigay pahayag ang suspek.—Jamil Santos/AOL, GMA News