Inutusan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation (NBI) na alamin kung may krimen na nangyari sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.
Sa inilabas na department order na may petsang Enero 7, sinabi ni Guevarra na kasuhan ang lahat ng sangkot kung makikita sa imbestigasyon na may krimen na nangyari sa pagkamatay ni Dacera.
Kasama sa utos ng kalihim kay NBI OIC Director Eric Distor, mag-report sa kaniya tungkol sa takbo ng imbestigasyon sa loob ng 10 araw.
Tanghali noong Enero 1 nang makita ang bangkay ni Dacera, ilang oras matapos na dumalo sa New Year's Eve celebration sa isang hotel sa Makati kasama ang mga kaibigan.
Bagaman lumitaw sa paunang report na pagputok ng malaking ugat ang dahilan ng pagkamatay ni Dacera, hinihinala ng kaniyang pamilya na nilagyan ng droga ang inumin ng dalaga at hinalay.
Pero itinanggi ng mga kaibigan ni Dacera na may nangyaring krimen.
Nagtakda ang Makati prosecutor's office ng preliminary investigation sa Enero 13 para alamin kung ano ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni Dacera at kung ginahasa ang dalaga.
Samantala, hinikayat naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) acting director Police Brigadier General Vicente Danao, ang mga nakasama ni Dacera sa party na magbigay ng pormal na sinumpaang salaysay sa nangyari upang makatulong sa imbestigasyon.
Anang opisyal, maaaring kasuhan ng obstruction of justice ang mga magtatago ng impormasyon tungkol sa mangyari kay Dacera.
"If they will be withholding statements na alam po namin na dapat mas makakatulong 'yun, depende po 'yun sa kalalabasan, puwede po silang file-an pa rin ng kaso, if ever, for obstruction of justice, especially kung alam naman sana nila 'yung nangyari sa loob," sabi ni Danao sa CNN-Philippines.
"Mas maganda maglabas ng black and white sworn statement para makatulong sa kaso. They are not yet off the hook," dagdag niya. --FRJ, GMA News