Iniutos ng Makati City Prosecutor's Office nitong Miyerkules na palayain ang tatlong suspek na hawak ng pulisya kaugnay sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.
Ito ay sina John Pascual Dela Serna III, Rommel Galido, at John Paul Halili, na inaresto at sinampahan ng reklamong rape with homicide.
Walong iba pa ang itinuturing ng pulisya na suspek sa nangyari kay Dacera.
Ayon kay Prosecutor General Benedicto Malcontento, sinabi ng local prosecutor's office na dapat isalang sa preliminary investigation ang reklamo upang alamin kung hinalay at pinaslang talaga si Dacera, at tukuyin ang salarin.
Itinakda ang preliminary investigation sa Enero 13, kung saan aalamin ng mga piskal kung may basehan na isampa ang kaso laban sa mga suspek.
Tanghali noong Enero 1 nang makita ang bangkay ni Dacera, 23-anyos, sa bathtub ng Makati hotel ilang oras matapos na magdaos ng New Year party kasama ang mga kaibigan.
Unang lumabas sa pagsusuri na uptured aortic aneurysm ang ikinamatay ni Dacera. Pero hinala ng kaniyang pamilya, pinagsamantalahan ang biktima dahil may nakitang sugat sa kaniyang binti at pasa sa tuhod.
May lumabas din na impormasyon na mayroon umanong inihalo sa inumin ng biktima.
Dahil dito, humiling ang pamilya ni Dacera panibagong autopsy sa bangkay ng biktima.
Tutulong umano ang National Bureau of Investigation sa Philippine National Police para alamin ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni Dacera," ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra. --FRJ, GMA News