Pinagpapaliwanag ng Department of Tourism (DOT) ng City Garden Grand Hotel sa Makati kaugnay sa sinapit ng 23-anyos na flight attendant na si Christine Dacera na nasawi at hinihinalang ginahasa matapos mag-party sa inupahang kuwarto.
Naglabas ng show-cause order ang DOT laban sa City Garden Grand Hotel upang hingan ng paliwanag sa loob ng tatlong araw kung bakit hindi sila dapat isara o suspendihin ang operasyon dahil sa pagpayag nilang may mag-book para sa kasiyahan.
Sa naturang sulat ni DOT regional director Woodrow Maquiling Jr. kay City Garden Grand Hotel general manager Richard Heazon, napag-alaman na ginagamit ang establisimyento bilang quarantine o isolation facility.
"It has come to the attention of the DOT that the demise of a Philippine Airlines flight attendant allegedly occurred during a party held in your establishment on 31 December 2020. We understand based on reports that several individuals have checked-in or spent the evening in one of your rooms on the said date," saad sa sulat.
Sinubukan ng GMA News Online na makaugnayan ang City Garden Grand Hotel sa nakasaad na contact details sa kanilang website para makuha ang kanilang panig pero bigo habang ginagawa ang ulat na ito.
Sa press conference ng pamilya ni Dacera nitong Martes ng hapon, inihayag ng kanilang abogado ang planong pagsasampa ng reklamo laban sa hotel dahil sa pagtanggap ng maraming bisita na labag sa health protocols.
Matatandaan na tanghali nitong Enero 1, 2021 nang makita ang katawan ni Dacera sa bathtub matapos na mag-party sa hotel kasama ang ilang katrabaho sa airline upang salubungin ang bagong taon.
Dinala si Dacera sa ospital at lumitaw sa pagsusuri na ruptured aortic aneurysm ang dahilan ng kaniyang pagpanaw.
Pero hinihinala ng pamilya na may ipinainom na droga sa biktima at pinagsamantalahan dahil na rin sa mga sugat nito sa katawan.
Mayroon din umanong mga tao sa naturang party na hindi kililala at hindi inaasahan ng biktima.
Tatlo sa 11 katao na itinuturing suspek sa pagkamatay ni Dacera ang naaresto na. --FRJ, GMA News