Nag-alok ng P100,000 na pabuya sa bawat suspek na maaaresto ang isang mambabatas kaugnay sa kaso ng pagkamatay at hinihinalang pagdroga at panghahalay sa flight attendant na si Christine Dacera.

"Hustisya ang panawagan natin at tiyaking mapanagot ang mga sangkot sa karumal-dumal na krimen na ito," pagkondena ni ACT-CIS party-list Representative Eric Yap sa nangyari kay Dacera.

 

Nakita ang bangkay ni Dacera sa isang hotel room sa Makati matapos na dumalo sa New Year's party kasama ang mga katrabaho at iba pang bisita na hindi niya kilala.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sinabing may posibilidad na hinalay ang biktima at inaalam din kung totoo na may inilagay na droga sa inumin ni Dacera.

Sa 11 katao na hinahanap kaugnay sa nangyari kay Dacera, tatlo na ang naaresto na kinilala ng Philippine National Police na sina John Pascual Dela Serna III, 27, Rommel Daluro Galido, 29, and John Paul Reyes Halili, 25.

Samantala, pinaghahanap pa sina Gregorio Angelo de Guzman, Louie de Lima, Clark Jezreel Rapinan, Rey Englis, Mark Anthony Rosales, Jammyr Cunanan, Valentine Rosales, isang Ed Madrid, at isang Paul.

Ayon kay Yap, magbibigay siya ng P100,000 bilang pabuya sa makapagtuturo upang madakip ang iba pang suspek.

"Walang taong nasa tamang pag-iisip ang makakagawa ng pang-aabusong ito at nararapat lang na mapanagot kayo kung mapapatunayan na may kinalaman kayo," anang mambabatas. —FRJ, GMA News