Pinuna ni Manila Mayor Isko Moreno ang ilang opisyal—maging ang senador—na nagsasabing karapatan ng tao na magpaturok ng COVID-19 vaccines kahit hindi pa aprubado ng Food and Drug and Administration (FDA) ang gamot.
Sa panayam ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabi ni Moreno na hindi dapat hikayatin ng mga opisyal ang mga tao na gumawa ng mga bagay na hindi naaayon sa batas katulad ng paggamit nang hindi rehistradong gamot.
“Walang presidente, walang mayor, walang senador na magsasabi na hindi puwede mag-FDA. Hindi po, may batas po,” giit ni Moreno.
“Kaya 'yung mga tolongges na ‘yan at saka ‘yung ilang senador diyan nagsasabi na hindi kailangan ng FDA, eh kailangan po. Huwag nating hihikayatin’ yung mga ilegal,” dagdag niya.
Sa ilalim ng batas, dapat aprubado at dumaan sa pagsusuri ng FDA ang mga gamot sa bansa.
Walang binanggit na pangalan si Moreno pero sinabi kamakailan ni Senador Ronald "Bato" Dela Rosa na handa siyang magpaturok ng COVID-19 vaccine na hindi aprubado ng FDA pero may mataas na efficacy rate.
Paliwanag ng senador, siya ang magdedesisyon sa kaniyang buhay.
"FDA-approved o hindi, buhay ko ito, wala akong pakialam diyan sa FDA kung i-approve nila o hindi yan basta buhay ko nakasalalay, I have to decide for my own life," anang senador.
Dagdag pa ni Dela Rosa, "formality" na lamang ang pag-apruba ng FDA dahil pasado naman na ang bakuna sa bansang pinanggalingan nito.
Nagbigay ng pahayag si Moreno tungkol sa bakuna dahil sa mga ulat na mayroon umanong unauthorized vaccination na nangyayari sa Binondo, Manila.
Nagbabala si Moreno hahanapin niya ang mga taong nasa likod ng ilegal na pagbabakuna.
“Yang mga tolongges na 'yan, 'pag natyempuhan ko 'yan, ihaharap ko sa inyo. Awa ng Diyos, wala eh. Inaabatan namin,” anang alkalde.
“Simula nang nabalitaan ko 'yan ng first day, sa totoo lang, ako mismo nanggigigil eh. Unang-una panloloko 'yan,” dagdag niya.
Batay sa nakalap niyang impormasyon, nagkakahalaga ng P20,000 hanggang P30,000 ang bakuna na wala naman katuyakan kung tunay.—FRJ, GMA News