Galit si Central Luzon police chief Police Brigadier General Valeriano De Leon sa ginawa Police Master Sergeant Jonel Nuezca, na pagbaril at pagpatay sa isang mag-ina sa Paniqui, Tarlac dahil sa naging epekto nito sa reputasyon ng Philippine National Police (PNP).

Sa video na ipinost ng Central Luzon police, pinagsabihan ni De Leon si Nuezca na dinumihan nito ang imahe ng PNP dahil sa ginawang pagpatay sa mag-inang Sonya at Frank Anthony Gregorio.

"Ano? Sinira mo na naman ang PNP... You dragged the entire organization. Parang aso lang na ano na pumatay ng tao at close range... even at the height of your anger..." sabi ni De Leon.

Sinabi ng opisyal na naaawa siya sa anak ni Nuezca pero masisibak ang huli sa trabaho dahil sa ginawang krimen.

"Sa bata ako naaawa eh... Paano kakainin noon, pano mag-aaral 'yun kung matatanggal ka sa serbisyo? Hindi 'kung,' tatanggalin ka talaga namin sa serbisyo," ani De Leon.

Sinabi ni Nuezca na pinagsisihan niya ang kaniyang ginawa at umapela siya na tulungan ang kaniyang pamilya.

'Inaamin ko po 'yung pagkakamali ko. Nagsisisi po ako sa ginawa ko, Sir... laking pagsisisi po," anang pulis.

"Sana matulungan niyo ko... para sa pamilya ko na lang, Sir," dagdag niya.

Sinabi naman ni De Leon na galit ang mga tao ginawang pagpatay sa mag-ina na hindi naman armado.

"Lahat ng tao galit sayo... 'yan ang pagsisihan mo, wala ka ng kakampi sa ginawa mo," ani De Leon.

Tiniyak naman ni De Leon na tutulungan ng PNP ang pamilya ni Nuezca sa kinakailangan gawin dahil sa karahasang naganap.--FRJ, GMA News