Nagpaalala ang Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) tungkol sa pag-inom ng mga hindi rehistradong lambanog ngayong Kapaskuhan, na maaaring magdulot ng methanol poisoning.

Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikita sa Liliw, Laguna ang ilang drum ng lambanog na naka-display sa isang tindahan.

Meron itong free taste para makapagdesisyon ang mamimili kung bibilhin nila ang produktong lambanog.

Kumpiyansa naman ang nagtitinda ng lambanog na maayos at malinis ang pagkakagawa nila ng kanilang lambanog.

"Huwag bibili ang ating mga kababayan ng mga hindi rehistradong mga produkto ng lambanog. But the more important thing is, ang alcohol dapat iwasan na rin natin dahil wala namang naidudulot po ito na kabutihan," sabi ni Health Secretary Francisco Duque III.

Nakalista naman sa website ng FDA ang mga brand ng lambanog na ligtas inumin.

"Makikita niyo po sa website. Ibig sabihin nito, na-check natin 'yung process nila na talagang ang napo-produce niya ay walang lason. Ang ingredients na ginagamit po nila ay talagang hindi magpo-produce ng methanol na nakakalason at nakakamatay. At hindi naman po mahal din itong mga lambanog na registered sa FDA," sabi ni Dr. Eric Domingo, Director General ng FDA.

Siyam ang nasawi noong Nobyembre 2018 sa Calamba at Santa Rosa, Laguna matapos umanong malason ng lambanog, na kalaunan ay nakitaan ng mataas na methanol content.

Ilang araw pa ang lumipas, apat ang patay at 14 pa ang naospital sa Quezon City dahil din umano sa lambanog.

Mahigit 20 ang nadale rin ng lambanog sa Laguna at Quezon noong Disyembre 2019, na posibleng nauwi sa methanol poisoning.

"Ang methanol po kasi ay talagang lubhang nakalalason po 'yan sa tao, even in very small amounts. Maliit na maliit lamang na amount ang acceptable. Kasi ang atay hindi natin name-metabolize o hindi natin natutunaw ang methanol. Kapag siya ay minetabolize ng katawan natin, nagpo-produce siya ng Formaldehyde, 'yung ginagamit pang-embalsamo," ayon kay Domingo. -Jamil Santos/MDM, GMA News