Nasawi ang isang babae matapos siyang pagsasaksakin ng kaniyang asawa dahil umano sa selos o love triangle sa Zamboanga del Sur.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News TV "QRT" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Elma Remitar, na natagpuang naliligo sa sariling dugo at may dalawang saksak sa dibdib ng sariling anak sa loob ng kanilang bahay sa Mahayag.

Agad na humingi ng saklolo ang anak, ngunit wala nang buhay ang kaniyang ina.

Kinilala naman ang suspek na si Eduardo Remitar, mister ng biktima.

"Ang suspek sir, posibleng nakainom dahil nag-attend siya ng isang party," sabi ni Police Staff Sergeant Gomer Albatera ng Mahayag Police.

Kuwento ng anak, inamin ng kaniyang ama na ito ang gumawa ng karumaldumal na krimen at humingi ng tawad.

Tumakas ang suspek matapos ang krimen pero nadakip din.

"Humihingi ako sa kaniya ng pera pambayad sa palayan. Ayaw niyang magbigay. Eh iyong ATM ko nasa kaniya," sabi ni Remitar.

Lumabas din sa imbestigasyon na love triangle o selos ang pinag-ugatan ng pananaksak dahil ayon sa suspek, may ibang karelasyon ang biktima.

Na-inquest na ang suspek na nahaharap sa kasong parricide.—Jamil Santos/LDF, GMA News