Napasugod ang mga awtoridad sa isang sikat na tindahan ng hamon sa Quiapo, Maynila na pinilahan madaling araw pa lang at dinagsa pa ng mga mamimili sa pagsikat ng araw.
Mahaba na ang pila 5 a.m. pa lang sa Excelente Ham, na alas-otso ng umaga pa magbubukas, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules.
Nitong Martes pa nanggaling sa tindahan ang ilang pumipila pero naubusan sila.
At pagdating ng liwanag, dumagsa pa ang mga mamimili sa iba't ibang lugar kaya humaba nang husto ang pila.
Nakasuot ng face mask ang lahat pero hindi lahat ay nakasuot ng face shield.
Pahirapan din para sa mga mamimili ang pagsunod sa social distancing kaya napasugod ang mga pulis na dala ang mga baton na panukat, saka naglayo layo ang mga tao.
"Medyo magulo lang po kasi 'yung iba ayaw sumunod po eh, wala nang social distancing, nakadikit-dikit eh muntikan na nga po kaming paalisin dito sa pila. Sayang naman po 'yung pagpunta namin dito, kanina pa kaming madaling araw," sabi ng isang babaeng mamimili.
"Para lang makatikim ng masarap na ham. Minsan lang sa isang taon, isang beses lang po," sabi naman ng isang lalaking mamimili.
Dahil dito, napasugod na rin ang hepe ng Manila Police District Station 3 at pinagsabihan ang may-ari ng tindahan.
Kaya 7:45 a.m. nang buksan na ang tindahan ng hamon, na maaga ng 15 minuto sa kanilang opening.
Sa tantiya ng pulisya, nasa 500 ang dumagsa sa naturang tindahan para makabili ng hamon.
Inaasahan ng mga awtoridad na dadami pa ang mga mamimili rito ng hamon sa papalapit na Pasko at Bagong Taon, kaya babantayan nila ito at ang sistemang ipatutupad ng management ng tindahan. —LBG, GMA News