Iginiit ni Senator Nancy Binay na kailangang sumailalim sa matinding values reorientation ang mga pulis para ipaalala sa kanila ang kanilang tungkulin bilang tagapangalaga ng mga sibilyan.

Ang pahayag ay ginawa ng senador matapos barilin at patayin ng isang nakasibilyang pulis ang kaniyang nakaalitang kapitbahay na mag-ina sa Paniqui, Tarlac nitong Linggo.

Ayon kay Binay, dapat maalis ang maling paniniwala ng kapulisan tungkol sa baluktot na konsepto nila ng taglay na kapangyarihan.

“Kailangan ng matinding across-the-board value re-orientation ang buong hanay ng PNP natin, dahil tila nakakalimutan na ng marami ang sagradong tungkulin nila na maglingkod at protektahan kahit 'yung pinakaabang Pilipino,” sabi ni Binay sa isang pahayag.

“May ninja cops, mañanita cops, ex-cop na land grabber at illegal logger, berdugong pulis—buong taon may nakakahiyang headline tungkol sa pulis. Ano na ba ang ginagawa ng liderato tungkol dito? The people expect the police to be their defenders, not their offenders," puna pa ng senadora.

Kailangan din umanong sumailalim sa masusing psychological evaluation ang mga aplikante para matiyak na walang iskalawag na makakapasok sa kapulisan.

Patuloy niya, isang malaking pagkakamali kapag may mga opisyal at tauhan ng kapulisan na nagpapakita ng kawalan ng paggalang sa batas.

"Wala nang takot, dahil tila hindi naman na yata sila napaparusahan. Kadalasan napo-promote pa nga," puna niya.

Bago na-promote at naging hepe ng PNP si General Debold Sinas, nasangkot siya sa "mañanita controversy" dahil sa pagdaraos ng birthday party sa kabila ng pagbabawal ng mass gathering dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa kabila nito, pinili pa rin siya ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang bagong pinuno ng PNP.

"Rather than being the people’s assurance of law and order, lately many of our cops are becoming the face of terror and impunity, blatantly disregarding the rule of law and spitting on our values. Tama na, sobra na, kailangang itigil na ang pang-aabuso," giit ng senadora.

Nitong Linggo, binaril ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca ang mag-inang Sonya Rufino Gregorio at Frank Anthony.

Tinawag ni Interior Secretary Eduardo Año ang insidente na "isolated case." Bukod sa kasong kriminal, sasampahan din ng kasong administratibo si Nuezca para matanggal sa pagiging pulis.

Tiniyak naman ng Department of Justice na iiral ang katarungan sa naturang pangyayari.— FRJ, GMA News