Sinalakay ng mga tauhan ng National Meat Inspection Service (NMIS) ang isang litsunan sa Las Piñas City matapos na ireklamo na mabaho umano ang produkto.
Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing nakatanggap din ng reklamo ang NMIS na kakaiba umano ang lasa ng itinitindang mga litson ng establisyemento.
Nang puntahan ang tindahan, nakita naman na malinis at maayos ang pagkakaluto ng mga litson, pero napag-alamang expired na ang kanilang business permit.
Mayroon ding mga menor de edad na nagtatrabaho sa litsunan, kaya iimbestigahan din ito ng mga awtoridad.
Dati na ring sinalakay ang establisyemento dahil sa isyu ng kalinisan. --Jamil Santos/FRJ, GMA News