Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) general manager Jojo Garcia na hindi pa rin puwedeng lumabas ang mga menor de edad sa Metro Manila, na kasalukuyang nakapailalim sa general community quarantine (GCQ).
Una rito, inirekomenda ng Department of Trade and Industry na payagan na ang mga kabataan na edad pito pataas na payagan na sa mall, na inayunan naman ng Department of Interior and Local Government basta may kasamang magulang.
Pero sinalungat ng Department of Health ang naturang mungkahi dahil sa peligro pa rin ng hawahan ng COVID-19.
Sa virtual press briefing nitong Huwebes, sinabi ni Garcia na napagkasunduan ng mga alkalde sa Metro Manila nitong Miyerkules na huwag pa rin munang payagan sa mall ang mga menor de edad.
"Unanimous po, 17-0, the mayors will not allow minors to go out. That's why 'yung ating GCQ guidelines na 18 to 65, 'yun pa rin ang papayagan lumabas," sabi ni Garcia.
"Of course sabi ko nga mayroong pro, mayroong against pero at the end of the day, noong nakita nila 'yung opinion ng experts, talagang nirerespeto natin 'yan," patuloy niya.
Bawal din sa Simbang Gabi
Sinabi rin ni Garcia sa hiwalay na news briefing na bawal ding dumalo sa Simbang Gabi ang mga menor de edad na ginagawa mula Disyembre 16 hanggang 24.
“Pero ang good news naman po sa Simbang Gabi ay in-adjust na po natin ang curfew ng 12 a.m. to 3 a.m. na lang para bigyang daan ‘yung Simbang Gabi,” saad niya.
Paglilinaw ni Garcia, pinapayagan naman na lumabas ang mga nasa edad 17 at pababa para sa mga essential purposes o physical exercises.
"Pinayagan 'yung exercises, it's part of essential 'yan. Kaya nga it's subject also to the interpretation of LGUs, may mga ordinansa sila. Pero 'yung exercise po allowed 'yan," paliwanag ni Garcia.
"Ang 'di lang allowed sa exercise 'yung may contact sports like basketball, football... pero 'yung mga jogging, biking, ina-allow naman po lalo na kung outdoor," sabi pa ng opisyal.
Nang tanungin kung puwede ang mga kabataan sa mga parke ng barangay, tugon ni Garcia: "It's subject to interpretation eh. Sinasabi ko nga kung may gray area, doon tayo sa conservative."
"Kahit ikaw ang magulang, ikaw mismo ang mag-iingat para sa mga anak mo. Hindi mo i-interpret 'yan para makalabas eh," dagdag niya.
Ang desisyon ng mga alkalde ng Metro Manila tungkol sa mga menor de edad ay nabuo umano matapos kausapin ang mga health expert, pati na ang Philippine Pediatric Society.
"Naglabas po sila yesterday ng opinyon... 'yung opinyon po nila is delikado for the minors to go out," ayon kay Garcia.
Batay sa pananaw ng ilang health expert, sinabi ni Garcia na maaaring maging "carrier" ng COVID-19 ang mga kabataan.
"Ang minors, mataas ang resistensiya niyan, malakas ang katawan, usually asymptomatic sila... just imagine pumunta ng restaurant 'yan at mall, kakain 'yan, magtatanggal ng masks, tapos maiinip, magtatatakbo 'yan, may malapitan na vulnerable makahawa sila," paliwanag ni Garcia.
"Kumbaga, carrier ang minors. Let's say lumabas sila sa mall, nahawa sila dahil nagtanggal ng face masks. Mahirap i-control ang mga bata eh, pag-uwi sa bahay puwedeng mahawa 'yung lolo at lola," dagdag niya.— FRJ, GMA News