Nahuli-cam ang dalawang grupo ng mga kabataan na mistulang ginawang almusal ang suntukan at batuhan nang magrambol sa lansangan ng Maynila.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente nitong weekend dakong 6:00 am na nagsimula sa kanto ng Roxas Boulevard at P. Ocampo sa Maynila.
Ang suntukan, umabot pa sa kanto ng Mabini at Adriatico, nauwi na rin sa batuhan.
Dahil sa kalye nagrambol ang mga kabataan na nasa edad 17 pababa, naapektuhan din umano ang daloy ng mga sasakyan.
Tumigil lang ang kaguluhan nang dumating ang mga pulis pero walang naaresto.
Wala ring nagsampa ng reklamo mula sa magkabilang panig ng mga kabataan.
Ayon sa mga opisyal ng Barangay 719, Zone 78, na nakasasakop sa lugar, karaniwan umano ang ganitong tagpo tuwing weekend.
Ginawa naman daw nila ang paraan para hindi magkagulo pero sadya raw na may mga matitigas umano ang ulo.
Karaniwan daw na nagsisimula ang gulo sa titigan habang naglalakad ang mga grupo.
Hindi rin naman daw residente ng kanilang barangay ang mga kabataan na nanggagaling umano sa CCP complex sa Pasay.
Pero bukod sa kaguluhan, kapansin-pansin din na hindi sumusunod sa health protocols ang mga kabataan. Bukod sa nagkukumpol-kumpol, wala ring face mask ang iba sa kanila.
Nanawagan ang mga opisyal ng barangay sa mga magulang ng mga kabataan na subaybayan ang kani-kanilang mga anak.--FRJ, GMA News