Papayagan na ang mga kabataan na makapasok sa mall basta kasama ang kanilang mga magulang sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine, ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año.

“Para na rin po sa kapaskuhan ay dun sa ipinag-utos natin na puwede nang gradual expansion ng age group para makalabas ang mga minor," anang kalihim sa televised briefing nitong Lunes ng gabi.

"Basta accompanied ng mga magulang ay papayagang makalabas at makapunta sa malls,” dagdag niya.

Pero ang mga lokal na opisyal umano ang maglalabas ng ordinansa tungkol sa pagluluwag ng patakaran para sa mga kabataan.

Sa nasabing briefing na pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabing nasa-GCQ mula sa Disyembre 1 hanggang 31 ang National Capital Region, Batangas, Iloilo City, Tacloban City, Lanao del Sur, Iligan at Davao City.

Ang iba pang bahagi ng bansa ay nakapailalim sa mas maluwag na modified general community quarantine.

Una rito, inirekomenda ng Department of Trade and Industry sa Inter-Agency Task Force na payagan na ang mga batang edad pito pataas na mapasok sa mall para kumain at bumili ng pangangailangan na kasama ang mga magulang.

Pero mananatili namang sarado ang mga palaruan sa mga mall para maiwasan pa rin ang hawahan ng virus.--FRJ, GMA News