Pinasaringan ni Taguig Representative Alan Cayetano ang mga mambabatas na nagmadaling maalis siya sa puwesto bilang Speaker ng Kamara de Representantes matapos na madagdagan umano ang pondo ng mga ito sa kanilang mga proyekto sa 2021.
“Hindi ko pa nakikita ‘yung Bicam [report] pero definitely maraming nadagdagan ng pondo from the NEP to the GAB. So ‘yung pong mga maingay laban sa akin, between P300 million to P1 billion nadagdagan na sila from the House to the Senate. Kaya pala atat na atat na nung October 14 na before that, mag-takeover,” sabi ni Cayetano sa isang pagtitipon ng learning hub sa Taguig City.
Ang NEP ay National Expenditure Program na mungkahing budget ng pamahalaan na nanggagaling sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte, at isinusumite sa Kongreso. Ang GAB naman ay panukalang batas na para sa 2021 national budget na naglalaman ng mga pag-amyenda ng mga mambabatas mula sa ipinadalang mungkahi ng pangulo at ipinapadala nila sa Senado.
Ginawa ni Cayetano ang pahayag matapos sabihin ni Senador Panfilo Lacson sa isang panayam sa telebisyon na ilang distrito ng mga kaalyado ni Speaker Lord Allan Velasco ang tumaas ang alokasyon matapos magkaroon ng pagbabago sa liderato ng Kamara.
“Kasi nga may mga pondong pinag-uusapan. But to be fair, not to myself, dahil ako naman ay okay naman ako, maganda naman ang takbo namin dito sa siyudad, wala naman akong hangarin na bumalik pa as Speaker, pero doon sa mga kasamahan ko, sa distrito nila na sinasabing malapit ka kay Alan bakit wala tayong masyadong project? ‘Yun po ang mga number nila, 155, 204, 219, 193, 154, at ang problema sila pa yung mga nagtrabaho talaga,” giit ni Cayetano.
Ang tinutukoy ni Cayetano ay ang ranking ng kaniyang mga kaalyado kaugnay sa halaga ng pondong nailaan sa kani-kanilang distrito.
Sinabi rin ni Cayetano na hindi maiiwasan na magkaroon ng bulok na mansanas sa isang institusyon gaya ng Kongreso.
Una rito, sinabi ni Commissioner Greco Belgica of the Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na mayroong nasa 12 kongresista ang sangkot sa katiwalian na may kaugnayan sa infrastructure projects.
“Ngayon po, let us wait and let us see ano ang magiging pagkilos ng membership kasi ang problema sa House, ‘yung black eye ng isa, black eye ng buong institusyon, black eye ng lahat ng kongresista. Pero hindi naman po lingid sa ating kaalaman na meron naman talagang corruption,” sabi ni Cayetano.
Payo ni Cayetano sa Department of Justice para malaman kung sangkot sa katiwalian ang isang kongresista, alamin ang mga distrito na may malalaking alokasyon at tingnan kung nagkaroon talaga o tama ng implementasyon ng mga proyekto.
“Ang advice ko rin, lalo po sa DOJ, unahin nyo yung mga obvious. Isulat mo lahat ng project, let us say P50 million above,” saad niya.
“Itambyolo, bumunot per region, patingnan mo, pa-inspect mo, pag nakita mong bitin, sinabi 6 inches pero 4 inches lang, o kaya nakita mo hindi pa gawa nasingil na, eh di napaka-obvious, madaling kasuhan ‘yun,” ayon pa sa dating Speaker.
Pinalitan si Cayetano bilang Speaker ni Velasco noong Oktubre 12, ilang linggo bago maipadala ng Kamara ang kopya ng inaprubahan nilang 2021 proposed budget sa Senado.—FRJ, GMA News