Nagpatupad ng bagong balasahan sa Kamara de Representantes. Kabilang sa tinanggalan ng posisyon ang ilang kaalyado ni dating Speaker Alan Peter Cayetano, na pinalitan sa puwesto ni Speaker Lord Allan Velasco nitong Oktubre.
Sa sesyon nitong Miyerkules, tinanggal bilang mga deputy speaker sina Capiz Representative Fredenil Castro, Laguna Rep. Dan Fernandez, at Batangas Rep. Raneo Abu.
Hinirang sa nominasyon na ipalit sa tatlo sina Cagayan De Oro City Rep. Rufus Rodriguez, Buhay party-list Rep. Lito Atienza, at Las PiƱas City Rep. Camille Villar.
Nauna nang inalis bilang deputy speaker si Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte, na kilala ring kaalyado ni Cayetano.
Samantala, itinalaga naman bilang chairman ng House Committee on Energy si Pampanga Rep. Mikey Arroyo.
Ang naturang komite ay dating pinamumunuan ni Velasco bago siya nahalal na lider ng Kamara.
Itinalaga naman si Caloocan City Rep. Dale "Along" Malapitan bilang pinuno ng lupon sa House of Representantive Electoral Tribunal.
Ginawa namang vice chair ng House Committee on Accounts si ACT-CIS party-list Rep. Eric Go Yap, na pinamumunuan ni Davao City Rep. Paolo Duterte.
Itinalaga naman si Velasco na legislative caretaker ng unang distrito ng Cebu City kasunod ng pagpanaw ni Rep Raul Del Mar.
Ayon kay Deputy Majority Leader Xavier Jesus Romualdo, ito umano ang hiling ng pamilya ni Del Mar.
Magsisilbi naman bilang bagong Secretary General ng Kamara si dating Batangas Rep. Mark Llandro Mendoza, matapos magbitiw sa naturang posisyon si Atty. Jocelia Bighani Sipin.
Noong Oktubre, sinabi ni Cayetano na hindi dapat magkaroon ng balasahan sa ilalim ng bagong liderato sa Kamara.--FRJ, GMA News