Nanatiling pinakamayamang senador si Cynthia Villar, batay sa isinumite nilang 2019 Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN), habang si Leila de Lima naman ang nakalistang "pinakamahirap."

 


Sa listahan ng SALN ng mga senador na makikita sa website ng Senado, lumitaw na ang kabuuang ari-arian ni Villar ay umabot sa P3.8 bilyon at walang nakalistang utang.

Sumunod naman kay Villar ang Fighting Senator na si Manny Pacquiao na may kabuuang yaman na P3.17 bilyon. 

Pasok din sa top five richest senator sinabi Senate President Pro Tempore Ralph Recto (P567.4 milyon), Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri (P203.7 milyon), at Sen. Ramon "Bong" Revilla (P176.4 milyon).

Nakalista naman bilang "pinakamahirap" na senador ang nakadetineng si De Lima na naglista ng kabuuang yaman na P8.3 milyon.

Sumunod kay De Lima si Sen. Risa Hontiveros (P16 milyon) at Sen. Bong Go (P18.4 milyon).

Tulad ni Villar, wala ring inilistang utang si Hontiveros.

Narito pa ang listahan ng yaman ng mga senador:

Sonny Angara - P142,212,659.00

Franklin Drilon - P102,259,501.00

Grace Poe - P97,631,508.03

Sherwin Gatchalian - P95,404,344.93

Pia Cayetano - P82,774,150.15

Vicente Sotto III - P77,772,861

Richard Gordon - P71,207,733

Lito Lapid - P70,948,600

Francis Tolentino - P61,172,000

Nancy Binay - P60,318,928

Panfilo Lacson - P48,959,138

Koko Pimentel - P36,308,400

Imee Marcos - P34,020,467

Ronald "Bato" Dela Rosa - P33,025,241

Joel Villanueva - P30,249,305

Francis "Kiko" Pangilinan - P19,975,821

Sina Pacquiao at Sotto naman ang may nakalistang pinakamalaking "liabilities."

Sa ilalim ng batas, dapat magsumite ng kanilang SALN ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan.

Noong nakaraang taon (base sa 2018 SALN), si dating Sen. Antonio Trillanes ang nakalistang "pinakamahirap" na senador na may P7.5 milyon ari-arian, na sinundan ni De Lima na P7.7 milyon ang idineklarang yaman noon.

Nanatili naman sina Villar at Pacquiao ang nanguna sa naturang listahan na naglista ng P3.719 bilyon at P3.005 bilyon na yaman, ayon sa pagkakasunod sa kanilang 2018 SALN. (READ: 2018 SALN: Villar, Pacquiao still richest senators; Trillanes, De Lima poorest)--FRJ, GMA News