Isang security guard ng Bureau of Immigration ang kabilang sa mga iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng "Pastillas" scheme dahil sa pagkakaroon niya ng ari-arian na aabot sa P14 milyon kahit nasa P10,000 kada buwan lang ang kaniyang sahod.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabi ng opisyal ng Special Action Unit ng NBI na nagdeklara ang security guard sa kaniyang SALN (statements of assets, liabilities, and net worth) noong 2018 ng kabuuang ari-arian na umaabot sa mahigit P14 milyon.
Idineklara umano ng security guard na nakabili siya ng bahay na nagkakahalaga ng P4.5 milyon, may mga alahas, dalawang sasakyan na SUV ang isa, at nakakabiyahe sa ibang bansa ng walong beses sa isang taon kabilang na sa Japan, Amerika, at Europe.
“Ang security guard, salary grade 4 or 5 lang ‘yan… So more or less kung sumesuweldo ‘yan, P8,000 ang maximum. P8,000 to P10,000 ‘yan a month,” paliwanag ni Jun Donggalio, NBI Special Action unit chief.
“Pag sobrang laki naman ng idineklera mo na hindi mo na maja-justify… it is safe to say na puwedeng may kinalaman ka talaga diyan sa 'pastillas',” dagdag niya.
Bukod sa security guard, isang Immigration officer naman ang napansin din ang mabilis na paglago ng ari-arian batay sa isinumite ring SALN.
Mula umano sa P227,000 networth na idineklara noong 2015, umangat ito sa P1.4 milyon pagkaraan lang ng isang taon (2016). Pagsapit ng 2018 na sinasabing kalakasan ng pastillas scheme, umangat pa ang ari-arian niya sa mahigit P5 milyon.
“Halos P1.2 million ang nadagdag. So sa isang taon makikita niyo po na medyo may discrepancy talaga, considering na ang suweldo niya mga nasa ano lang ‘yan P20,000 plus a month,” paliwanag ni Dongallio.
“Itong SALN, ‘yung declaration nila diyan, magiging part ng ebidensya natin ‘yan sa imbestigasyon natin sa pastillas case,” sabi pa ng opisyal.
Mayroon 20 high-ranking official ng BI ang isinailalim din umano sa lifestyle check at sasampahan ng reklamo kaugnay ng pastillas scheme.
Ang isang opisyal, sumasahod umano ng P33,000 bawat buwan pero nagdeklara ng P27 milyon na ari-arian.
Ang mga ari-arian niya, kinabibilangan ng mga condo unit, mamahaling sasakyan, at maging mga bahay at lupa, ayon kay Donggalio.
“’Yung supposed to be na natirang 20 from the first batch na hindi pa nakakasuhan, na sabi nga nila ‘yung mga boss, ang akin pong palagay, eh, baka madagdagan pa po. Pipilitin po natin na madagdagan dahil nga sa paglutang o pag-surface ng bago nating whistleblower,” dagdag pa niya.
Inaasahan ng NBI na maisasampa ang kaso sa mga opisyal ng BI sa huling linggo ng Oktubre o unang linggo ng Nobyembre.
Ang pastillas scheme ay sinasabing sabwatan ng mga taga-BI upang makapagpapasok sa bansa ng mga dayuhan, partikular na ang mga Tsino, kahit hindi na repasuhin nang mabuti ang kanilang mga dokumento. --FRJ, GMA News