Inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na bubuksan ngayong linggo ang dagdag na ruta sa biyaheng probinsiya.
Sa briefing na ginawa sa Palasyo nitong Huwebes, sinabi ni LTFRB chairperson Martin Delgra III, na kasama sa dagdag na ruta ang Davao City at Mabalacat, Pampanga sa Central Luzon.
“In terms of increasing capacity for provincial buses, we will be opening up additional routes this week,” anang opisyal.
“Magpapalabas na po tayo din this week ng another set of inter-regional routes going into Metro Manila coming all the way from Davao City. Aside from that, Mabalacat, Pampanga has already opened up that route,” dagdag pa ni Delgra.
Ayon kay Delgra, nakikipag-ugnayan pa ang kaniyang tanggapan sa mga lokal na opisyal upang buksan ang kanilang hangganan sa mga biyahe sa lalawigan.
Una rito, binuksan ng LTFRB ang 12 modified provincial bus routes para makapagsakay ng mga pasahero na patungo o pabalik ng Metro Manila, at Regions 3 at 4-A (CALABARZON).
Tinatayang 286 provincial buses ang pinayagang bumiyahe sa naturang ruta simula nitong September 30. —FRJ, GMA News