Nagpahayag ng kooperasyon ang partido ni dating Speaker Alan Peter Cayetano na Nacionalista Party (NP), sa liderato ng bagong pinuno ng Kamara de Representantes na si Marinduque Representative Lord Allan Velasco.

"The party nevertheless extends its collaborative hand to the new House leadership and vows to work closely with their team to ensure the success of the President’s legislative and economic agenda," sabi sa pahayag ni Las Piñas Rep. Camille Villar, anak ni dating Senate President Manny Villar,  presidente ng NP.

Ayon sa kongresista, buo ang suporta ng kanilang partido sa legislative agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte, lalo na ngayong nahaharap sa pagsubok ang bansa dulot ng COVID-19 pandemic.

Idinagdag ni Villar na hangad din ng kanilang partido ang mabilis na pagpasa sa panukalang 2021 national budget at maalis ang katiwalian.

"The party also commits to the speedy passage of the 2021 national budget that would be truly reflective of the needs of the people and not merely based on the requirements of the districts," giit niya.

Ayon naman kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, miyembro rin ng NP, pumirma ang mga miyembro ng partido sa isang manifesto  na nagpapahayag ng suporta kay Velasco.

Mahigit 40 kongresista ang kasapi ng NP,  ang pinakamatandang partido pulitikal sa bansa.

Sinabi ni Barbers na maging sina Cayetano at maybahay niya na si Taguig Rep. Lani Cayetano, ay pumirma rin umano sa manifesto.

"The whole Nacionalista Party dito sa Congress ay nagbigay ng pahayag through a manifesto of support para kay Speaker Lord Allan Velasco and lahat ng miyembro ng Nacionalista Party ay pumirma dito," ani Barbers.

"Nagpapatunay at nagpapahayag [ito] ng kanilang unequivocal support sa leadership ng ating Mababang Kapulungan through Speaker Lord Allan Velasco," dagdag niya.

Nitong Lunes, nagbitiw si Cayetano bilang Speaker ilang oras bago pormal na iluklok sa plenaryo ng Kamara ng mahigit 180 kongresista bilang bagong lider ng kapulungan si Velasco.-- FRJ, GMA News