Pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang mga guro na tantsahin lang at huwag tambakan ng gawain ang mga estudyante ngayong "blended learning" ang paraan ng pagtuturo dahil sa pandemic.

Sa pulong balitaan nitong Lunes, sinabi ni DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio na nauunawaan niya ang sitwasyon ng mga estudyante dahiil nakita rin niya ang ganitong usapin sa pagsubaybay sa Bicol Region.

“Nauunawaan po natin ‘yan [sobrang aralin]. Magre-remind po tayo officially na kailangan yatang mag-synchronize. Meron na po kaming suggestion sa kapag homework na hindi sabay-sabay na mayroon,” ayon sa opisyal.

“Tantsahin lang,” dagdag niya.

Ayon kay San Antonio, dapat bigyan ng sapat na panahon ang mga estudyante at makatwirang deadline para magawa ng mga estudyante ang anumang ipagagawa sa kanila ng guro.

“Kung ano lang ang kaya ng bata, ‘yun lang muna. Hindi naman ito panahon na dapat super higpit tayo sa mga kung ano-anong ginagawa natin,” patuloy ng opisyal.

Nitong nakaraang Oktubre 5 lang nagsimula ang klase sa mga pampublikong paaralan. Kabilang sa sistema ng pagtuturo ang online,  self-learning modules, at pati na broadcast media.--FRJ, GMA News