Kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos niyang itakbo ang kotse ng isang makeup artist na nakilala at napaibig niya sa dating app. Ang suspek, isa palang wanted carnapper sa Laguna at Cavite.
Sa ulat ni Corinne Catibayan sa 24 Oras Weekend ng GMA News nitong Sabado, ikinuwento ni Jhera Fadol, makeup artist sa ilang programa ng GMA, na nakilala niya sa dating app ang 33-anyos na si "Wilson Morris."
Mabilis aniyang nahulog ang loob ni Jhera kay Morris dahil sa mga matatamis na salita ng suspek.
Kaya naman pagkaraan ng ilang araw, ipinakilala na ni Jhera si Morris sa kaniyang pamilya.
"Malinis, okay makipag-usap sa family. Siyempre, lahat naman may tiwala," sabi ni Philip Fadol, kapatid ng biktima.
Sinabi rin daw ni Morris kay Jhera na ipakikilala rin siya sa pamilya nito sa La Union.
Pero nang magtungo si Jhera sa tinutuluyan ni Morris, nagtaka siya dahil hihiramin ng suspek ang kaniyang sasakyan.
"Nagulat lang ako pagpunta ko doon sa apartment nila, hindi siya 'yung parang excited na umalis. Nagulat lang ako na sabi niya hihiramin niya 'yung susi. Dahil love ko siya, nagtiwala ako," sabi ni Jhera.
"Mga ilang oras na rin ang nakalipas hindi na siya sumasagot sa mga calls ko, sa mga texts ko," sabi pa ng makeup artist.
Matapos nito, nagpasundo na siya sa kaniyang pamilya saka humingi ng tulong sa mga kaibigan sa media.
Pinost ng biktima ang mga larawan ni Morris sa social media, hanggang sa lumitaw na rin ang iba pang nabiktima ng suspek.
Napag-alamang may iba rin ginagamit na pangalan ang suspek na "Benjamin Ferrer" at "Jomar Lamsen Garcia," na isa palang wanted carnapper sa Laguna at Cavite.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, modus na talaga ng suspek ang magpaibig at lumansi ng mga trans gaya ni Jhera.
Nang makita ng suspek ang mga social media post tungkol sa kaniya, ibinalik niya ang kotse ni Jhera, pero desidido ang biktima na mahuli ang suspek.
"Sabi ko sa sarili ko na sana ako na 'yung pinakahuling taong mabibiktima niya," ani Jhera.
Nadakip naman ang suspek sa isinagawang entrapment operation sa isang mall sa Quezon City.
"Humihingi ako ng patawad po sa inyong lahat. Sana po mapatawad niyo po ako," sabi ng suspek.
Mahaharap ang suspek sa patung-patong na kaso ng carnapping, falsification of public documents, estafa at iba pa. —Jamil Santos/KG, GMA News