Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang sinasabing nasa likod ng brutal na pagpatay sa dalawang nursing graduate at isang estudyante na pinagsasaksak sa ipinapagawang bahay sa Caloocan City nitong nakaraang linggo.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, inamin ng sumukong "person of interest" na si Anselmo Singkol, 37-anyos, na kasama siya sa nagplano sa krimen pero hindi raw siya kasama sa pagpatay sa mga biktimang sina Arjay Belencio at Glydel Belonio, at kaibigan nilang si Mona Ismael.
Nakitang patay at may mga saksak ang mga biktima sa ipinapagawang bahay sa Amparo Subdivision, North Caloocan noong September 27.
Si Singkol ay kabilang sa mga construction worker sa ipinapagawang bahay.
Kasama niya bilang "persons of interest" sa kaso ang mga kapatid niyang sina Alden at Adonis, at isang nagngangalang Ronron Cajipe.
Matapos ang krimen, nagawa ni Singkol na makauwi sa Samar.
Pero kinumbinsi umano siya ng mga kamag-anak na sumuko.
Ayon kay Police Colonel Dario Menor, hepe ng Caloocan Police, inamin ni Singkol na isa siya sa mga nagplano ng krimen pero itinanggi niyang kasama siya sa pagpatay sa mga biktima.
"Sinasabi nitong si Anselmo (Singkol) na si Ronron (Cajipe) ang responsable sa pagpatay dito sa tatlo. In fact narinig pa nga daw niya na humingi ng tulong si Glydel, pero it seems na alam talaga niya na gagawin ni Ronron yung napag-usapan nila kaya na-consummate yung crime," ani Menor.
Nasa kostudiya na rin ng mga awtoridad sina Alden at Adonis, at tanging si Cajipe na lang ang hindi pa sumusuko.
Paghihiganti pa rin ang nakikitang motibo sa krimen dahil tinanggal sa trabaho ang apat na persons of interest.
Lumitaw sa imbestigasyon na isinumbong ng isa sa mga biktima sa may-ari ng ipinapagawang bahay ang pandaraya umano ng mga person of interest sa pondo at pinapatungan ang gastusin sa konstruksiyon ng bahay.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Singkol.
Pero ayon sa pulisya, malalaman ang katotohanan kung nagsasabi ng totoo si Singkol sa pagpapatuloy ng imbestigasyon lalo pa't tatlong kutsilyo ang nakita sa crime scene.
Hindi rin inaalis ng mga awtoridad na gumagamit ng droga ang mga person of interest dahil isa sa kanila ang nakita umano ng isa sa mga biktima na gumagamit ng shabu.
Mahaharap naman sa kasong murder ang magkakapatid na Singkol.--FRJ, GMA News