Sa loob ng isang jeepney na lang nag-attend ng online class ang dalawang magpinsan sa Quezon City nitong Martes, ang ikalawang araw ng pagbubukas ng klase nitong school year 2020-2021, ayon sa ulat ni Allan Gatus sa Dobol B sa News TV.
Itong jeep na ito ang siyang nagsisilbi rin daw na pansamantalang tahanan ng pamilya.
Hindi pa pumapasada ang jeep na may ruta sa Visayas Avenue simula ng mag-lockdown noong Marso.
Gamit ang iisang cellphone ng magulang, nagsumikap ang magpinsan na mag-attend sa online classes ng New Era Elementary School para sa Grade 3 at Grade 4 nitong Martes ng umaga.
Hiraman din sila ng headset para marinig nilang mabuti ang kanilang mga guro.
May mabait silang kapitbahay na pinayagan silang gamitin ang Wi-Fi nito para sa mga klase ng mga bata.
Ang problema lang ay parehong kailangang dumalo ng magpinsan sa kanya-kanyang online class nitong umaga.
Pagsapit naman ng alas-11 ng umaga ay makikigamit naman ng parehong cellphone ang isa pa nilang pinsan para naman sa kanyang online class.
Aminado ang magpinsan na mahirap ito para sa kanila pero kailangan nilang gawin para makapagtapos sila ng pag-aaral.
Nangangamba naman ang pamilya na baka kunin na ng operator ang jeepney na ito dahil hindi na nakakapasada, at kailangan nilang maghanap ng matitirahan. —KG, GMA News