Tutol din umano si Pangulong Rodrigo Duterte sa paniningil para magkaroon ng Beep cards na pamalit sa pagbabayad ng pamasahe sa pagsakay sa mga bus sa EDSA Busway.
Inihayag ito ni presidential spokesperson Harry Roque matapos iutos ni Department of Transportation (DOTr) na suspendihin ang sapilitang paggamit ng Beep cards simula ngayong Lunes matapos tumanggi ang kompanyang nag-o-operate ng automatic fare collection system na ibigay ang mga card nang libre sa mga pasahero.
“Ang pagkakaalam ko po ang naging damdamin ni Presidente ay tutol din siya diyan sa binabayaran na Beep card at marahil po isa ito sa dahilan kung bakit sinuspindi muna iyong paniningil para sa Beep card,” sabi ni Roque sa press briefing sa Boracay.
“Nahabag po talaga ang Presidente doon sa isang balita na maraming mga naghihirap nating mga kababayan ang nagulat at dahil ang pera nila ay sapat lamang sa pamasahe at sa pagkain para sa araw na iyon,” dagdag pa niya.
Nitong Linggo, sinabi ng DOTr na maaari na muling magbayad ng "cash" na pamasahe ang mga pasahero na sasakay ng bus sa EDSA.
“Itong pagsuspinde ng gamit ng Beep card altogether ay patunay na nakikinig ang gobyerno sa taumbayan at may puso itong administrasyon na ito,” sabi ni Roque.
Una rito, ipinatupad ng DOTr ang “no Beep card, no ride” policy sa mga bus para mawala ang "contact" ng pasahero at driver (o konduktor) para maiwasan ang hawahan ng COVID-19.
Pero nasorpresa ang maraming pasahero nang malaman nilang kailangan nilang maglabas ng P180 para magkaroon ng Beep card na halagang P80, at paunang load of P100.
Iginiit ng DOTr na dapat ilibre na ng operator na AF Payments Inc. ang Beep cards.
Gayunman, iginiit ng kompanya na walang silang kinikita sa presyo ng card at direkta itong napupunta sa gumagawa.
Kasunod nito, nagbabala ang DOTr na maghahanap ang EDSA Bus Consortia ng ibang kompanya na makapagbibigay ng mahusay na serbisyo sa biyahe sa EDSA.
Sa televised briefing nitong Lunes ng gabi, nilinaw naman mismo ni Duterte na tanging ang card lamang ang malilibre pero kailangan pa rin ng mga pasahero ang maglagay ng "load" na pamasahe sa card.
AFPI, MAGBIBIGAY NG FREE BEEP CARDS
Samantala, nag-alok naman ng AFPI nitong Lunes din na gumamit ng QR system sa EDSA Busway, at handa na rin silang magbigay ng libreng Beep cards sa mga pasaherong "nangangailangan" sa ngayon.
"In the meantime, to ease the burden of passengers who have challenges buying a Beep card, we will issue free Beep cards to people in need," saad nito sa pahayag.
"This offer has been made possible by our shareholders and business groups, who graciously donated the needed funds to pay for up to 125,000 free cards," dagdag pa nila.
Ayon pa sa AFPI, nag-alok dil sila sa mga operator sa EDSA Busway ng system upgrade para sa QR tickets via paper o mobile phone, ang magiging paraan ng pagbabayad ng pamasahe ng mga pasahero na hindi gagamit ng Beep card.
"QR paper tickets will not cost anything in addition to the regular fare for the desired trip," anang kompanya.
"After we have upgraded the equipment in all buses plying the EDSA loop, passengers will be able to use a Beep card or a QR code ticket on all buses," sabi pa nito sa pahayag.— FRJ, GMA News