Patay ang isang babae sa Caloocan City matapos umanong pagsasaksakin ng isang magnanakaw na pumasok sa kaniyang apartment, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Aabot daw sa 30 saksak ang tinamo ng biktimang si Chrisna Hipolito, 26.

Ayon sa kaniyang kasintahan, isang lalaki ang kumatok sa apartment ni Chrisna nitong September 11 at nagsabing may hinahanap siyang maitim at matangkad na lalaki.

Kahit sinabi na ng biktima na wala silang kilalang ganon, bumalik daw ang lalaki at kumatok ulit sa pinto ni Chrisna. Nang pagbuksan ng pinto ay inundayan na raw ng saksak ng suspek ang biktima.

Kinuha raw ng suspek ang tatlong cellphone at wallet ni Chrisna. Agad naman siyang nahuli ng otoridad.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, pagnanakaw ang motibo ng suspek. Hindi raw siguro akalain ng suspek na may tao sa apartment kaya niya napatay ang biktima.  —KBK, GMA News