Hinamon ng mga kaalyado ni Speaker Alan Peter Cayetano ang mga kaalyado naman ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco na bitawan ang kanilang mga puwesto kaugnay pa rin ng sigalot sa liderato ng Kamara de Representantes.

"They should resign from their leadership positions, if they are willing to help and cooperate [with Cayetano]," sabi ni Capiz Rep. Fred Castro sa kaniyang talumpati nitong Biyernes sa budget hearing.

Ayon sa kongresista, hindi kahiya-hiyang tanggapin ang pagkatalo sa mas mahusay na kalaban.

"It is not fit to pretend to be a part of the team when you are betraying your colleagues and undermining the efforts of Congress," sabi pa ni Castro, chairman ng House Committee on Strategic Intelligence.

Ginawa ni Castro ang talumpati ilang araw matapos tanggihan ng mahigit 180 kongresista ang alok ni Cayetano na magbitiw bilang Speaker upang pumalit na sa kaniya si Velasco.

Ang sigalot sa liderato ng Kamara ay bunsod ng "term-sharing" agreement ni Cayetano at Velasco bilang Speaker. Kung masusunod, dapat ipasa ni Cayetano kay Velasco ang liderato sa darating na Oktubre 14.

Pero nais ng mga kaalyado ni Cayetano na manatili siya sa puwesto upang hindi maapektuhan ang deliberasyon ng 2021 budget, bagay na tinututulan naman ng mga kaalyado ni Velasco.

Ayon kay Castro, kahit araw-araw umanong mabitiw si Cayetano ay paulit-ulit nila itong tatanggihan.

Inakusahan din ni Castro si Velasco na walang respeto sa kaniyang mga kasamahan sa Kamara.

"Sino ba ang kapit-tuko sa posisyon? Iyong taong kusang nagbibitiw ngunit pilit ibinabalik, o iyong kasamahan natin na inaayawan na ng nakararami pero hindi pa rin tumitigil sa panggugulo?” ani Castro.

Idinagdag niya na hindi sapat ang sinasabing kasunduan upang makuha ni Velasco ang liderato sa Kamara kung wala siyang sapat na boto ng mga kongresista para ihalal na Speaker.

Kailangan ng nagnanais na maging Speaker ang mayoryang boto ng nasa 300 kongresista o mahigit 150.

Inalis na Deputy Speaker

Sa deliberasyon ng Kamara kanina, inalis naman bilang Deputy Speaker ang kaalyado ni Velasco na si 1-Pacman party-list Representative Michael Romero.

Si Deputy Majority Leader XJ Romualdo ng Camiguin ang nagmosyon na alisin sa naturang posisyon si Romero at si Castro ang ipapalit.

Dahil walang tumutol sa mosyon ni Romualdo, nagdeklara si Deputy Speaker Raneo Abu of Batangas, presiding officer, na ipatupad ang naturang paghirang kay Castro bilang deputy speaker kapalit ni Romero.--FRJ, GMA News