Nauwi sa mabigat na kaso ang simpleng pagsita sa isang lalaki na walang suot na helmet habang nagmomotorsiklo sa Quezon City. Ang suspek kasi, nakasuot ng uniporme ng pulis kahit hindi na siya pulis, at nakitaan pa ng baril na natuklasan na nawawalang baril ng isang tauhan ng Highway Patrol Group ng Philippine National Police.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing natiyempuhan ng mga tauhan ng HPG ang dating pulis na si Emmanuel Amutan, na walang helmet habang nagmomotorsiklo sa Camachile Overpass.
Nakasuot siya ng fatigue uniform ng pulis, pero wala siyang naipakitang katibayan na awtorisado pa siyang magsuot ng naturang uniporme.
Bukod dito, nakita rin sa kaniya ang isang baril, mga magazine na loaded ng bala, at posas.
Nang sinuri ng Firearms and Explosives Office ang record ng baril base sa serial number nito, nagulat ang HPG sa kanilang nadiskubre.
"'Yan palang baril na 'yan, 'yan pala 'yung nawawalang baril ng isang pulis dito sa HPG, bakit napunta sa iyo?" tanong ni Brigadier General Eliseo Cruz, Direktor ng PNP-HPG kay Amutan.
Napag-alaman na 2018 pa nasibak sa serbisyo bilang pulis si Amutan. Ayon na rin sa kaniya, na-dismiss siya dahil sa grave misconduct.
Walang maibigay na sagot ang suspek kung bakit patuloy siyang nagsusuot ng uniporme at nagdadala ng baril.
Sinampahan ang suspek ng kasong usurpation of authority at illegal possession of firearms.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News