Hindi sang-ayon ang mga eksperto ng University of the Philippines (UP) sa plano ng pamahalaan na unti-unti nang bawasan ang physical distancing standard sa mga pampublikong sasakyan dahil pa rin sa peligro ng hawahan sa COVID-19.

Sa panayam ng "Dobol B sa News TV" nitong Lunes, umapela sina UP-OCTA Research Team Professor Ranjit Rye at Dr. Guido David na irekonsidera ang naturang plano.

“Tutol po kami dito sa decision o plano ng Department of Transportation (DOTr). Naniniwala po kami na dadami po ang transmission natin ng COVID-19 kung gagawin natin ito,” ayon kay Rye.

Ngayong Lunes, sinimulan na ng DOTr ng pagbawas sa distansiya ng mga pasahero sa 0.75 meters mula sa dating isang metro.

Pagkaraan ng dalawang linggo, ibaba na lang 0.5 meters ang physical distancing, at pagkaraan muli ng dalawang linggo ay magiging 0.3 meters na lang ang layo ng mga pasahero sa isa't isa.

Paliwanag ng DOTr, gagawin ito para madagdagan ang mga nakasasakay sa mga pampublikong sasakyan.

“Hindi ho kami kinonsulta rito. Meron naman talaga dapat mga eksperto na konsultahin  tungkol sa mga ganito, mga scientist, mga health expert natin sa Department of Health,” ayon kay Rye.

Binigyan-diin ni Rye ang kahalagahan ng social distancing, pagsusuot ng face masks at face shields, para makaiwas sa hawahan ng COVID-19.

“Ngayon nagluluwag tayo (sa quarantine status) tapos tatanggalin pa natin ‘yung sandata natin laban sa COVID, lalong kakalat to, maraming mahahawaan , at lalong maraming magkakasakit,” babala niya.

“At dahil malubha itong sakit na ito, maaari marami pang mamamatay,” patuloy ni Rye.

Ayon kay David, dapat na masusing pinag-aralan ang plano.

Iginiit niya na ang patakaran ng one-meter minimum distance ay inirekomenda ng World Health Organization at mayroon itong basehan para makaiwas sa hawahan.

“Wala naman tayong nakitang basis for a shorter distance na physical distancing,” ani David.

“Kung .75 meter, mamaya baka gawin na rin nating 0.5 meter. I mean kung arbitrary lang naman din ‘yung distancing, hindi na siya science-based,” patuloy niya.

Sa halip na bawasan ang physical distance, iminungkahi ni Rye na dagdagan na lang ang uri ng mga transportasyon para mas maraming pasahero ang makasakay.

Nitong Linggo, iminungkahi ni Alliance of Concerned Transport Organizations President Efren de Luna, na dapat payagan nang makabiyahe ang iba pang uri ng public transportation para mas maraming masakyan ang mga tao.

Nanindigan naman si DOTr Undersecretary Artemio Tuazon, na pinag-aralan ng mga eksperto ang planong pagbawas sa physical distancing sa public transport.

“Pinagbasehan po namin dito 'yung pag-aaral ng ibang eksperto, katulad po sa train 'yung International Union of Railways, na nakikita na hindi naman ganun kailangan talagang kalaki ang distansya,” paliwanag ni Tuazon.

Batay umano sa medical experts, sinabi ni Tuazon na mababawasan ang transmission rate ng 94-95% kung masusunod ang health protocols na pagsusuot ng face mask at face shield, at regular disinfection.

“Actually po kung titignan niyo 'yung mga datos ngayon, ang Pilipinas na lang ang nagpapatupad ng one-meter distancing sa mga railways natin,” ayon sa opisyal. — FRJ, GMA News