Arestado ang isang retiradong US Navy matapos siyang ireklamo ng kaniyang Pinay na karelasyon ng pananakit, pang-aabuso at pagpapagamit pa umano ng droga para pagsamantalahan ang biktima.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, inaresto ng mga tauhan ng International Operations Division (IOD) ng National Bureau of Investigation (NBI) ang suspek na si Jonathan Matthew, sa kaniyang condo unit.

Nasagip naman ang nagreklamong karelasyon ni Matthew na itinago sa pangalang “Anna,” na mismong nagsumbong sa mga awtoridad.

Sa condo unit, nakita ng mga operatiba ang isang prescription drug na umano'y dinudurog at ipinapagamit ng suspek sa biktima na may kasamang cocaine upang maging "high" ang babae bago niya abusuhin.

“Dumulog itong bagong biktima sa ating opisina kahapon matapos mapanood sa '24 Oras' ‘yung naunang ni-rescue rin natin sa kamay ng isang Koreano.

Pinagdodroga niya ito to the point na hilong-hilo at hindi na niya nalalaman kung anong ginagawa sa kaniya no’ng kaniyang boyfriend,” ayon kay Ronald Aguto, hepe ng NBI-IOD.

Ayon pa kay Anna, sinasaktan din siya ng kaniyang live-in partner.

Dagdag pa niya, ilang beses na siyang nagtangkang tumakas ngunit ipinadala ng suspek ang sex video nila sa dati niyang nobyo.

Sabi pa ni Anna, nagbanta rin ang suspek na i-a-upload nito sa internet ang kanilang maseselang video kapag tuluyan siyang umalis.

“Nagpapasalamat po ako sa NBI-IOD sa agarang pagtugon at pagtulong nila sa akin. Kung hindi po sila dumating, hindi ko alam kung ano’ng gagawin ko or ano na pong nangyari sa’kin,” anang biktima.

Tumanggi manang magbigay ng komento ang suspek, na mahaharap sa patong-patong na reklamo kabilang ang paglabag sa Anti-Violence Against Women and Children at Anti-Voyeurism Act.--Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News