Natagpuang nagkalat sa isang kalye sa Maynila ang ilang gamit nang rapid test kits para sa COVID-19, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Dahil dito, napilitang magwalis ang mga residente sa lugar kahit dis oras na ng gabi. Nangangamba raw sila sa posibleng banta sa kalusugan ng gamit nang test kits lalo na't natagpuan ang mga ito malapit sa Trabajo Market.
Nag-alala rin ang mga taga-barangay dahil kita daw sa test kits ang mga pangalan ng mga sumailalim sa rapid test. Labag daw ito sa privacy.
Sa kuha ng CCTV sa bahagi ng Loyola dela Fuente Street, makikitang nahulog ang test kits sa isang butas na sakong nasa loob ng isang padyak na kariton na pinatatakbo ng isang mangangalakal.
Tila hindi namalayan ng mangangalakal ang mga nalalaglag na test kit dahil tuloy-tuloy lang siya sa pagpadyak.
Agad namang nagtungo ang mga taga-Department of Public Safety (DPS) para alisin ang mga test kit.
"Ito ay hazardous waste kaya dapat po ito ay nama-manage ng maayos," ani Regine Carlos Tambong ng DPS District 4.
Inaalam pa ng otoridad kung sino ang mangangalakal na nakalaglag ng gamit nang test kits at kung saang ospital galing ang mga ito. Posible raw itong ipasara. --KBK, GMA News