Isang arkitekto sa Amerika si Paul Bradford Neal, pero nang abutan siya ng lockdown sa Tondo, Maynila, nagbukas sila ng kaniyang Pinay na nobyo ng Mexican food cart business.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing kabilang sa patok na pagkain na inihahanda ng magkasintahan ay ang authentic-tasting taco, burrito, at quesadilla.
Nagsimula raw ang dalawa sa puhunan na P8,000 noong June at kumikita sila ng P1,500 bawat araw. Ngayon ay umaabot na raw sa P15,000 ang kanilang kita.
"Good food makes people happy. And if you have good food they never forget you. It's masarap," sabi ni Paul, na nagustuhan ang pananatili sa Pilipinas.
Naniniwala ang nobya niyang si Mary Grace Goce, na pumatok ang kanilang negosyo dahil hindi tinitipid ni Paul ang sahog kahit mura lang ang kanilang benta.
"Gusto niya na 'yung quality na tinatawag na mura lang siya, na makaya ng mga tao, pero masarap," saad niya.
Upang mas marami pa ang kanilang maging kostumer, magbubukas na sila ng puwesto.
Nagkakilala raw ang dalawa sa internet, at nang pumunta si Paul sa Pilipinas, hindi lang siya kay Mary Grance nabighani kung hindi maging sa mga Filipino at kultura ng bansa.
"I understand the culture. Family above all things, that's something you don't see back where I live anymore," saad ni Paul. "They're some the most generous people I've seen. I love the climate, too."
Plano ni Paul na mag-apply para sa dual citizenship kapag naikasal na sila ng nobya upang maging permanent resident na siya ng Pilipinas.
"Hindi siya napapagod magsabi ng I love you. I will marry you, I want you for the rest of my life," masayang sabi ni Mary Grace.
"I don't wanna go anywhere else. I can't imagine being with anybody else," sabi naman ni Paul. —FRJ, GMA News