Naniniwala umano si Pangulong Rodrigo Duterte na makabubuti sa kontrobersiyal na si Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) chief Ricardo Morales na magbitiw na sa puwesto dahil na rin sa lagay ng kalusugan ng huli, ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra.
Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Martes, sinabi ni Guevarra na binanggit ni Duterte sa nakaraang pulong ng Gabinete at miyembro ng inter-agency COVID-19 task force noong Lunes sa Davao City ang “on-and-off health situation” ni Morales.
“The president took note last night of Morales’ on-and-off health situation, and stated that it would be best for the latter and for PhilHealth to give up his post during these critical times for the agency,” sabi ni Guevarra.
Naghain kamakailan ng medical leave si Morales para sumailalim umano sa chemotherapy kaugnay ng kaniyang lymphoma.
“Executive Secretary [Salvador] Medialdea added that he had talked earlier to Morales, and that the latter said he would understand if he had to be replaced,” sabi pa ng kalihim ng DOJ.
Una rito, sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque na hindi sisibakin ni Duterte si Morales habang hindi napapatunayan na sangkot sa katiwalian ang opisyal.
Muling naging sentro ng imbestigasyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang PhilHealth matapos isiwalat ng nagbitiw na opisyal ng anti-fraud division ng ahensiya ang umano'y nangyayaring katiwalian sa PhiliHealth.--FRJ, GMA News