Inirekomenda ng pinuno ng Philippine Army na isailalim sa martial law ang lalawigan ng Sulu kasunod ng dalawang pagsabog na naganap sa Jolo na ikinasawi ng 15 katao, kabilang ang ilang sibilyan, nitong Lunes.
"Kung natatandaan natin noong idineklara ng ating Pangulo 'yung martial law ay behaved 'yung mga tao. Kaya lang noong una, nagkaroon ng kaunting negative reaction due to the stigma brought about by the 1970s martial law, but this time, nitong nakaraang martial law, talagang sila na mismo ang nag-request na kung maaari ma-extend pa," sabi ni Philippine Army chief Lieutenant General Cirilito Sobejana sa panayam sa radyo nitong Martes.
"So siguro it's high time na ibalik po natin. If I may respectfully recommend to our President, through our chief of staff and Secretary of National Defense, na kung maibalik o maideklara muli na martial law doon sa lugar dahil sa ito, doon sa probinsiya ng Sulu dahil sa recent bombing incident na nangyari," patuloy niya.
Matatandaan na inalis ang martial law sa Mindanao noong Disyembre 31, 2019, matapos ang mahigit na dalawang taon na implimentasyon kasunod naman ng nangyaring Marawi siege.
Nais ni Sobejana na ipatupad ang martial law sa Sulu sa kabila ng umiiral na Anti-Terror Law, na kinukuwestiyon sa Korte Suprema ang legalidad.
Bukod sa 15 nasawi na kinabibilangan ng ilang sundalo at sibilyan, mahigit 70 katao pa ang nasugatan sa naganap na magkasunod na pagsabog sa Jolo nitong Lunes.
Sinabing babaeng suicide bomber ang nagpasabog sa isang bomba, at isa pang bomba na itinago naman sa nakaparadang motorsiklo ang pinasabog din.
Ayon sa militar, mayroon ding mga batang naging biktima ng naturang pagsabog.— FRJ, GMA News