Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na ibalik na sa general community quarantine o GCQ ang Metro Manila at ilan pang mga kalapit nitong lalawigan.
Sa televised briefing mula sa Davao nitong Lunes, inihayag ni Duterte na balik-GCQ na ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Nueva Ecija, Batangas, Quezon mula Agosto 19 hanggang 31.
Gayundin ang Iloilo City, Cebu City, Lapu-Lapu City, Mandaue City, Talisay City sa Cebu, at munisipalidad ng Minglanilla at Consolacion.
Naka-modified GCQ naman ang nalalabing bahagi ng bansa.
“Just be careful. Follow the safeguards,” paalala ni Duterte sa publiko.
Matatandaan na noong Agosto 2 nang ianunsiyo ni Duterte na ibalik sa MECQ sa loob ng dalawang linggo ang Metro Manila at ilan pang lalawigan matapos humingi ng "timeout" ang mga medical frontliners dahil sa pagdami ng mga napopositibo sa COVID-19.
Pero bago matapos ang takdang araw ng MECQ ngayong Lunes, umapela ang mga eksperto mula sa University of the Philippines na palawigin pa sana hanggang sa katapusan ng Agosto ang MECQ at huwag munang ibalik kaagad sa GCQ dahil sa posibleng sumipa na naman ang dami ng mga tatamaan ng virus.
Sa pagtaya ng UP OCTA research team, posible umanong mapababa sa 210,000 COVID-19 cases sa bansa kung mananatili sa MECQ hanggang sa katapusan ng Agosto.
Samantala, posible naman daw na umabot sa 250 ang COVID-19 cases sa bansa sa pagtatapos ng Agosto kung ibabalik na sa GCQ ang mga lugar na naka-MECQ tulad ng Metro Manila simula sa Agosto 18.
Sa datos na inilabas ng Department of Health nitong Lunes, umabot na sa 164,474 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa matapos na madagdagan ng panibagong 3,314 na mga bagong tinamaan ng virus.
Nadagdagan naman ng 237 ang mga bagong gumaling para sa kabuuang bilang na 112,759. Samantalang 2,681 naman ang pumanaw matapos na madagdagan ng 18.
Ang limang lugar na may pinakamaraming panibagong kaso ng COVID-19 ay ang Metro Manila (1,918), Laguna (274), Cavite (219), Rizal (118), at Bulacan (105). --FRJ/KG, GMA News