Palaisipan pa rin sa pamilya ng yumaong dating senador at alkalde ng Maynila na si Alfredo Lim, kung papaano niya nakuha ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing sandaling lumalabas ng bahay si Lim upang mag-agahan noong nakaraang buwan matapos luwagan ang quarantine protocols sa Metro Manila.
“On a weekend, lumalabas siya. Tatlo, apat, hanggang limang beses. Saglit lang ‘yon. Kain lang siya ng breakfast niya, pagkatapos, paalaman na,” kuwento ng panganay niyang anak na si Roland.
Noong July 4, nakunan pa ng litrato si Lim kasama ang kaniyang pamilya sa isang restaurant sa Sta. Cruz, Manila kung saan sila nag-agahan.
Wala naman daw sa iba nilang kamag-anak na nagkasakit ng COVID-19.
Bukod sa mga kaanak, ang dalawang kasambahay lang daw ang tanging nakakasalamuha ng yumaong dating opisyal.
“Nagtatanong nga sila saan nanggaling e bihira siyang lumabas, wala namang lumalabas sa kanilang mag-anak. ‘Yun ang masamang parte na hindi mo alam kanino nanggaling,” aniya.
Ayon kay Roland, kidney failure dala ng COVID-19 ang ikinamatay ng kaniyang ama.
“Actually, nagkaroon siya ng COVID-19 pero ang ikinamatay niya is kidney failure, which is a complication na rin ng COVID,” saad niya. “Magmula lang no’ng magkasakit siya, do’n na. Sabihin na nga nating ‘yun pala ang epekto ng COVID na ito, na lahat ng internal [organ] is nagagalaw.”
Nalamang positibo sa COVID-19 si Lim matapos siyang dalhin sa Sta. Ana Hospital noong August 4 dahil sa pag-ubo. Inilipat sa pribadong ospital makalipas ang dalawang araw.
“Walang nag-expect na magkakaroon siya [ng COVID-19] kasi si tatay, physically ang condition niya is talaga namang sabihin nating napakaganda. Kumpleto siya sa exercise, lahat lahat. Hindi siya kumakain ng alam niyang makakasama sa kalusugan niya,” kuwento ni Roland.
“Kaya even us were suprised no'ng sabihin na ayon nga, may sakit si tatay, nasa ospital, and the worst part of it is ‘yun nga, no’ng sabihin na may COVID,” dagdag pa nito.
Pumanaw siya noong Sabado sa edad na 90.
Na-cremate na ang kaniyang mga labi at kasalukuyan siyang nakaburol sa kanilang tahanan sa Tondo, Manila. --Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News