Dahil sa pagbabalik sa modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan, inihayag ng isang eksperto mula sa University of the Philippines na mababawasan ng 50,000 hanggang 70,000 ang tinataya nilang mahahawahan ng COVID-19 sa pagtatapos ng Agosto.

Ayon kay Professor Ranjit Rye ng UP OCTA research team, nasa 220,000 ang tinataya nilang COVID-19 cases sa pagtatapos ng Agosto sa ilalim ng dating general community quarantine (GCQ).

Pero dahil sa deklarasyon ng Malacañang na ibalik sa MECQ ang Metro Manila at kalapit na mga lalawigan simula sa Martes hanggang Agosto 15, sinabi ni Rye, na maaaring mabawasan ang kanilang pagtaya ng 50,000 hanggang 70,000.

Malaki umano ang magiging epekto ng MECQ sa transmission rate ng virus. Sa ngayon, nasa 1.5 umano ang reproduction number o bilang ng taong mahahawahan. Dahil sa MECQ, mapapababa umano ito sa 1 sa loob ng 15 araw.

"Malaking bagay na ho, kayang kaya, malaking bagay na ho na nagdesisyon ang gobyerno, kahit na napakalaki ng cost nito, na mag-MECQ," saad niya.

"Doon pa lang ho malaki na ang impact sa R (reproduction number), na kung paiigtingin pa yung T3 (testing, tracing, treatment) at sasamahan ng matinding kooperasyon ng private sector at civil society, walang kaduda-duda, in 15 days, babagsak 'to to one," dagdag ng propesor.

Hinikayat niya ang publiko na mabuting manatili na lang muna sa bahay at ipatupad ang health protocol tulad ng pagsusuot ng face mask at physical distancing.--FRJ, GMA News